SA LIYAB NG LIBONG SULO: ISANG REAKSYON

04:39am 06/01/2006 mood: working

This was submitted way back in Mayo 22, 2005, for a PI100 class under Prof. Lani Abad. One of the many reaction papers that I have to archive before I reformat Alunsinsa. ______________________________________________________________________________ SA LIYAB NG LIBONG SULO: ISANG REAKSYON "…sa liyab ng libong sulo, at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!" -Ka Amado V. Hernandez Ayon sa ulat ng unang grupo, ang katuturan daw ng historisismo ay isang teorya itong nagsasasaad na ang kasayasayan ay may kinalaman sa lahat ng kaganapang kultural sa isang lipunan at kinakailangang pag-aralan ng walang halong personal na motibo at mga natatangi o nag-iisang batayan ng pagpapahalagang sinusunod. Sa palagay ko, hindi malilimitahan sa simpleng historisismo ang gumagabay na teorya sa pelikulang ito sapagkat ibinabandila nito na hindi maihihiwalay ang kasaysayan sa personal na buhay ng mga mamamayan - anumang pampulitikang isyu ay personal, ano mang personal ay tiyak na pulitikal - kahit ang pananahimik ay isang pulitikal na desisyon na nagsisilibi lamang na palaganapin ang mga pagsasamantalang nararanasan hanggang sa kasalukuyan. 18 anyos ako nang una kong napanood ang pelikulang ito sa isang maliit na apartment ng mga kasama sa Los Baños. Ang pagkakakilala ko lamang kay Dr. Carol Pagaduan-Araullo ay bilang ina ng aking kamag-aral na si Atom at Sandra, ang mga napapanood ko lamang na pelikula noon ay ang mga pawang pinalalabas sa mga sinehan. Pero laking gulat ko nang matuklasan na may ganito palang alternatibo sa mainstream, isang produksyon na halaw sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrerro. Isa ito sa mga nagpunla ng binhi ng kamulatan sa aking murang isipan noong mga panahong iyon at hanggang ngayon, ay isa sa mga binabalik-balikan kong pelikula upang maunawaan ang rebolusyonaryong pananaw sa kasaysayang Pilipino. Hinggil sa produksyon, sa huling beses na itinanghal ito sa klase, nakapanhihinayang na hindi ito lubos na maunawaan ng aking mga kaklase dahil sa paputol-putol na audio at ang distraksyon ng mga makukulit na katabi. Kahit nga ang katabi ko ng panoorin iyon ay nagtetext lamang at nagbabasa ng kanyang hand-outs para sa susunod na klase, sa halip na namnamin ang mga nilalaman nito. Ngunit nakakatuwa ring panoorin ito makailang-ulit man dahil maraming bagong mapapansin. Ngayon ko lang nalaman na ang nag-edit pala nito ay si Ariel Saturay, isang kaibigan na nakabase na ngayon sa Timog Katagalugan; si Bonifacio Ilagan pala ang nag sulat ng script at nagdirect, at ito pala ay nilikha ng Asiavisions Media Foundation and Video Library, isa sa mga ninuno ng mg pangkat audio-biswal na ngayo’y umuusbong sa iba’t-ibang rehiyon. Ito rin pala ay inilikha bilang paggunita sa Rebolusyong 1896 na siyempre, nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Muli, naghahalo ang personal sa pulitikal. Ang aking mga personal na ugnayan sa mga kaibigang kumikilos ay isang pagkilala rin sa kanilang mga pampulitikang ambag. Ngayon ko lang napansin ang mga sari-saring elemento katulad ng paggamit nito ng paulit-ulit na temang kanta (Sa Liyab ng Libong Sulo, siyempre) bilang introduksyon, background music at pangwakas na musika na nagsisilbing tagapag-buklod ng buong produksyon. Nakakatuwa din ang ilang eksena tulad ng pagzoom-in ng kamera mula sa isang bulto ng mga rallyista tungo sa mukha ni Dr. Araullo na nakikihanay din doon; pati ang pagtaboy ng mga bumbero ay ‘di malaman kung staged o may set-up bilang bahagi ng produksyon o talagang nasa nego-panel si Dr. Araullo sa mga panahong iyon na suot pa rin ang bulaklaking blusa na costume niya sa buong panahong may shooting. Mukhang bahagi rin ng set-up ang maliit na protesta sa may gate ng isang pagawaan at sa harap nila ay may naglulunsad ng grupong talakayan ng LRP habang ang tagasalaysay ay kalamdong nagpapaliwanag sa harap. May pagka-surreal tuloy ang dating ng palabas dahil sa tunay na buhay, malabo yatang sabay-sabay na nagaganap ang mga iyon sa publiko sa isang panahon lamang. Kapansin-pansin din na hindi pa yata uso ang editing ng pelikula sa computer ng mga panahong iyon at linear na makina lang ang ginamit dito. Halatang pinaghirapan talaga ang buong produksyon sapagkat masinop ang pananaliksik at nakapaglakip talaga ng mga aktwal na litrato, soundclips at footage ng mga sinaunang talumpati ng mga puppet na presidente at mga katangian ng bawat rehimen. Kung tutuusin, mas mainam pa nga minsan ang manood ng Liyab kaysa sa basahin ang buong teksto ng LRP sa bahagi ng kasaysayan (pero hindi naman dapat na ipagpalit ang dalawa at lubusang kalimutan ang teksto). Kahit medyo may kahabaan (25 minutos lang ang attention span ng karaniwang estudyante) ang palabas, mahusay pa rin itong supplemento sa pagtalakay ng mga makabayang aralin. Mas maganda rin siguro kung magkaroon ng mga update ito ng mga bagong datos para sa mga sumunod na rehimen matapos ang 1997. Ang isa sa mga dapat ding gawin ay magkaroon ng mas maraming kopya nito sa DVD upang klaro ang kaledad ng biswal at ng tugtog nang mas madaling ipamahagi lalo na sa mga lugar na ang pinalalaganap ay ang kasaysayan sa punto de bista ng mga reaksyunaryong pwersa. Nagustuhan ko rin ang pelikula dahil sa matalas na salaysay nito sa pagpapaliwanag ng mga -ismo na karaniwang pinapanawagan sa mga kilos-protesta, sa paglantad ng karakter ng mga rehimen, sa paglalahad ng istorikong linya at linyang masa, at siyempre, sa mga katangian ng demokratikong rebolusyong bayan. Nakakatuwa din na tinalakay ang hatian ng mga taksil sa rebolusyon at kung ano ba ang ginawa nila upang maliwanagan ang mga haka-haka sa mga konsepto ng relasyon ng bagong Partido Komunista ng Pilipinas (na may apelyidong MLKMZ) sa Bagong Hukbong Bayan at sa Pambansang Nagkakaisang Prente. Lalo na sa lipunan ngayong dinadaluyong ng sari-saring black propaganda ng Estado, ang pelikulang ito ay buong tapang na nagbukas ng mga organong ito. Sana lamang ay lubos na naibigan ng aking mga kaklase ang mga paksang masusing binigyang-diin dito, at hindi lamang dahil sa "Mommy ni crush-Atom" ang nagsalaysay o ‘di kaya dahil nagnanais sila ng extra points sa pagsumite ng reaksyon paper. Mungkahi na lang sa susunod na magkaroon din ng mga expectation-check at grupong-talakayan sa unahan o pagkatapos panoorin ang pelikula upang masalo sa propaganda ang mga bagong-gising at nagugulumihanang kaklase. Sa gayong paraan, makabubuo ng sintesis ang bawat grupo hinggil sa kanilang mga personal na desisyon na balang araw, magpapasya din silang lagutin ang kanilang mga lumang tanikala.

One Response to “SA LIYAB NG LIBONG SULO: ISANG REAKSYON”

  1. Lyrene Says:

    Maarai po bang magsend kayong isang litrato ng sulo para po sa aming project?

Leave a Reply